Parak tiklo sa shabu
Dahilan lamang sa hindi pagsusuot ng helmet habang nakasakay sa motorsiklo, nadiskubre ang itinatagong shabu ng isang pulis Bicutan at kasama nito sa isang checkpoint kamakalawa ng hapon.
Nakilala ang suspek na sina PO3 Guillermo Sartin, 43, nakatalaga sa National Capital Regional Office (NCRPO) Bicutan, Taguig City at residente ng J. Cunanan, Pag-asa, Gagalangin, Tondo at Virgilio Montero, 54, vendor, ng 516 Road 1 Gagalangin, Tondo.
Sa ulat ni Supt. Rolando Miranda, hepe ng MPD-Station 1, dakong alas-4 ng hapon nang maaresto ang mga suspek sa kanto ng Benita at Juan Luna Sts., Tondo.
Nabatid na nagpapatrulya sina PO2’s Almario Alcantara at Gilbies Naboa sa naturang lugar nang parahin nila ang mga suspek na magkaangkas sa isang motorsiklo dahil sa hindi pagsusuot ng helmet. Subalit laking gulat ng mga awtoridad nang kapkapan ang dalawa at nakuha sa kanilang pag-iingat ang isang sachet ng shabu. Dahil dito kaya’t kaagad na inaresto ang dalawa at kasalukuyang nakapiit sa MPD station 1 detention cell habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa mga ito. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending