Naaresto ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) ang isa sa tinaguriang most wanted ng Maynila na sangkot sa kasong murder at pagnanakaw ng kuryente. Kinilala ang suspek na si Edgar Reifero, alyas Tambobo na kasalukuyang nakapiit sa MPD station 11.
Ayon sa ulat, si Riefero ay wanted dahil sa dalawang kaso ng murder at umano’y siya ring mastermind sa nakawan ng kuryente sa kanilang lugar simula pa noong dekada 80.
Matagal na umanong pinaghahanap ng mga awtoridad ang suspek subalit naaktuhan lamang nila ito kamakalawa ng hapon habang nasa aktong nagkakabit ng ilegal na kuryente sa Parola compound kasama ang isang Arsenio Cuizon.
Bukod dito, sinabi ng pulisya na hinahunting din si Riefero na isa ring miyembro ng Waray-Waray robbery gang ng Manila Electric Company dahil sa pagnanakaw ng kuryente. Mariin namang pinabulaanan ng suspek na mayroon siyang kasong murder subalit inamin nito na nagnanakaw sila ng kuryente sa Meralco. Kasalukuyang nakapiit ang mga suspek habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila. (Gemma Amargo-Garcia)