Naalarma na ang mga awtoridad, partikular na ang anti-carnapping unit ng Pasay City Police bunga ng sunud-sunod na pagkawala ng mga sasakyan sa naturang lungsod at biglaang pagtaas ng kaso ng carnapping dito. Lumabas kasi sa rekord o estatistika, ang Pasay City ang may pinaka-mataas na napaulat ng kaso ng carnapping, kasama na dito ang mga motorsiklo, taxi at public utility vehicles (PUV) kumpara sa ibang police station sa Southern Police District (SPD).
Batay sa ulat, noong nakaraang buwan ay anim ang naitalang kaso ng carnapping sa lung sod bagama’t ayon kay P/Senior Insp. Rolando Baula, hepe ng anti-carnapping unit, ang ilan dito ay narekober matapos iulat sa kanila at malagay sa alarma. Gayunman, nagpalabas pa rin ng memorandum si Baula sa lahat ng mga kagawad ng Station Investigation and Detective Management Service (SIDMS) para paigtingin pa ang kanilang kampanya laban sa carnapping. (Rose Tamayo-Tesoro)