Pinagtulungang pagsasaksakin ng kanyang mga kaaway ang isang 21-anyos na binata nang dahil lamang sa masamang tingin sa Pandacan, Maynila kamakalawa ng gabi.
Dead-on-arrival sa Philippine General Hospital ang biktimang si Mark Anthony Cabural, 21, binata, residente ng #2614 Jesus St., Pandacan Manila sanhi ng mga saksak sa katawan. Mabilis namang nakatakas ang dalawang suspek na sina Marlon Dominguez, 25, at si Herald Santallian, 30, na kapwa residente ang dalawa.
Batay sa isinagawang imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-11:20 ng gabi sa panulukan ng Zamora St. at P. Quirino Ave., Pandacan, Manila.
Nabatid na kumakain ang biktima ng balut sa lugar ng P. Quirino nang napadaan ang dalawang suspek.
Napatingin ang biktima sa dalawa na minasama naman ng mga ito. Bunsod nito’y hinamon umano ng away ni Dominguez ang biktima hanggang pagtulungan na ito ng dalawa na undayan ng mga saksak sa katawan na agad nitong ikinamatay. Pinaghahanap na ngayon ng pulisya ang dalawang suspek. (Grace dela Cruz)