9 arestado sa paggawa ng mga pekeng dokumento

Siyam na miyembro ng isang sindikato na gumagawa ng mga pekeng dokumento ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan partikular na ang Social Security System (SSS) ang nadakip ng mga tauhan ng Quezon City Police District kahapon sa naturang lungsod.

Nakilala ang mga nadakip na sina Monalisa Valletspin, 42; Princess Montalban, 21; Norma dela Cruz, 40; Ricardo Jose, 48; Jayson Marga, 20; Ernesto Manaois, 28; Carlito dela Cruz, 46; Susan Bungalog, 44; at Cecille Cataggatan, 32.

Sa ulat ng QCPD-Security Intelligence and Investigation Office (SIIO), nakatanggap sila ng reklamo sa kinatawan ng SSS main office sa East Avenue, Brgy. Pinyahan ukol sa mga kuma­kalat ng mga pekeng dokumento tulad ng SSS ID.

Ayon kay Supt. Ely Pintang, hepe ng SIIO, nagsagawa sila ng surveillance operation kung saan nakumpirma ang operasyon ng sindikato sa labas mismo ng SSS.  Agad na inaresto ang siyam na suspek na naaktuhan na nagbebenta ng mga pekeng SSS ID.

Bukod dito, nakumpiska rin sa mga suspek ang mga pekeng postal ID, Bureau of Internal Revenue card at mga notary public sheets.

Kasalukuyan namang isinasailalim ngayon sa imbestigasyon ang mga nadakip na suspek upang malaman kung saan iniimprenta ang mga pekeng papeles at mga dokumento na ka­nilang ibinibenta sa mga nalolokong parokyano.

Bukod dito, may mga ulat rin ng talamak na pagbe­benta ng mga pekeng papeles ng Land Transportation Office at Land Trans­ por­tation Franchising and Regulatory Board sa bisinidad ng East Avenue na patuloy na nama­mayagpag. (Danilo Garcia)

Show comments