Balak nang umatras ng isang babaeng testigo sa pagpatay kay dating Commission on Elections Legal Chief Alioden Dalaig dahil sa umano’y mahinang proteksiyon na ibinibigay ng Manila Police District.
Sinabi ng testigo na itinago sa pangalang “Marissa” sa isang television network na malaki ang banta sa kanyang buhay at sa kanyang pamilya simula nang maging testigo sa krimen.
Gayunman, hindi naman umano niya binabawi ang kanyang mga testimonya laban sa suspek na pumatay kay Dalaig.
Una nang iprinisinta ng pamunuan ng MPD ang suspek na si PO1 Basser Ampatuan na nakatalaga sa Shariff Kabunsuan provincial police at siya umanong gunman ni Dalaig.
Sinabi rin ng pulisya na tatlong testigo ang kanilang hawak na magpapatunay na si Ampatuan ang pumatay kay Dalaig.
Samantala, aminado naman si MPD-Homicide Division C/Insp. Dominador Arevalo na walang sapat na tauhan ang MPD para mabigyan ng mahigpit na seguridad si Marissa.
Ikinagulat naman nito ang nasabing balita dahil katatapos lamang nilang mag-usap ni Marissa ilang araw lamang ang nakakaraan at wala naman itong nabanggit sa pagbibitiw bilang witness.
Ikinatwiran naman ni Arevalo na posibleng dinamdam ni Marissa ang hindi pag-aapruba ng Department of Justice-Witness Protection Program (WPP) sa aplikasyon na makapasok siya dito.