Nagbanta ang transport groups na kanilang paparalisahin ang pagsisimula ng pasukan bilang pagkondena sa patuloy na pag-isnab ng pamahalaan na maipatupad ang single ticketing system at ang hindi mapigilang pagtaas ng halaga ng produktong petrolyo sa bansa.
Sa isang panayam, sinabi ni Efren de Luna, national President ng Allianced of Concerned Transport Organization (ACTO) itataon nila sa pagsisimula ng klase ng mga mag- aaral ang tigil pasada dahil dito lamang mararamdaman ng taumbayan ang kanilang pagkadismaya sa kawalang aksiyon ng pamahalaan sa kanilang demands.
Wala anyang dating kung sa Labor day sa Mayo 1 nila isagawa ang kanilang transport holiday dahil wala namang pasok sa araw na ito.
Ayon kay de Luna, magta- tatlong buwan na mula Pebrero ng taong ito ng hilingin nilang ipatupad ang single ticketing system dahil ang madaming uri ng panghuhuli sa Metro Manila ay nagiging ugat lamang ng pangongotong ng mga traffic enforcers sa mga motorista. Hindi pa naipatutupad hanggang ngayon ang kanilang kahilingan at wala pa itong linaw kung maipatutupad.
Una nang kumilos si DILG Secretary Ronaldo Puno sa usapin ng single ticketing system nang kausapin ang mga local govt. units na sundin ang utos ng Malakanyang na suspendihin ang implementasyon ng Ordinance Violation Receipt (OVR) ng kani-kanilang lokalidad upang iisang ahensiya na lamang ang manghuhuli ng motorista, ang MMDA at LTO na lamang na may sarili ding uri ng panghuli sa mga motorista, ang TOP-raffic violation receipt. Pero ilang Metro mayors ang ayaw sumunod dito, kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin maipatupad ang hiling ng transport groups. (Angie dela Cruz)