4-anyos na paslit, patay sa meningo
Isang 4-anyos na batang lalaki ang nasawi sa pinaghihinalaang sakit na meningococcemia matapos isugod ito sa Amang Rodriguez Medical Center (ARMC) sa Marikina City kamakalawa.
Nakilala ang nasawi na si Richard Aure, residente ng Sitio Maligaya, Brgy. San Isidro, Antipolo City na ayon kay Dr. Ricardo Lustre, director ng ARMC na kahit wala nang buhay ng idating sa nasabing ospital ay kanila pa ring tinanggap at nakakitaan ng mga sintomas ng nasabing sakit.
Dahil dito ipinag-utos ni Dr. Lustre, na hanapin ang mga taong huling nakasalamuha ng batang biktima upang sumailalim sa quarantine at mabigyan ng pangunahing lunas upang malabanan ang posibleng pagkahawa sa sakit na ikinamatay nito. Matapos ang pagsusuri ay agad na isinelyo ang bangkay ng bata upang matiyak na hindi kakalat ang virus ng kanyang sakit sa iba mga pasyente sa naturang ospital.
Pansamantala ring hindi tumanggap ng pasyente ang nasabing pagamutan at wala ring pinalabas na empleyado na nasa loob nito ng isugod ang biktima doon upang matiyak na hindi kakalat kung anumang virus na posibleng makuha sa nasawing bata.
Binuksan lang ang pagamutan dakong alas-4 ng madaling-araw kahapon makalipas ang 15 oras na quarantine period ng masigurong maayos na ang lahat sa isinagawang preventive measure partikular sa paligid ng emergency room kung saan doon iniratay ang nasawing biktima. (Edwin Balasa)
- Latest
- Trending