Inaresto kahapon ng pulisya ang isang 23-anyos na parking boy na nagmolestiya sa kanyang sampung taong gulang na hipag kamakailan lamang sa Pasay City.
Nakakulong sa Pasay City Police at nahaharap sa kasong paglabag sa New Anti-Rape Law si Michael Rodolfo Roces, taga Goquiolay St., Pasay City.
Ang biktima naman ay itinago sa pangalang Monet, 10-anyos, ng nabanggit na lugar.
Sa salaysay nito sa mga pulis, nag-umpisang molestiyahin siya ng kanyang bayaw noong Enero 16 ng taong kasalukuyan, kung saan tinitiyempuhan nito na tulog na ang lahat niyang kasambahay lalu na ang misis nito na kanyang ate. (Lordeth Bonilla)