Isang malawakang manhunt operation ang inutos ni Acting Manila Mayor Isko Moreno sa pamunuan ng Manila Police District kaugnay ng pamamaril sa hepe ng personnel department ng Manila City Hall noong nakaraang linggo sa Maynila.
Ayon kay Moreno, inatasan niya si Director Chief Supt. Roberto Rosales na hanapin ang responsable sa pamamaril kay Josefino Reoma, 60.
Kasabay nito, nanawagan din si Moreno sa mga may impormasyon sa insidente upang mabigyan ng hustisya ang sinapit ni Reoma. Handa naman umano ang city government na magbigay ng pabuya sa sinumang magbibigay ng A-1 information tungkol sa gunman at kinaroroonan ng hindi pa nakikilalang suspek.
Sinabi pa ni Moreno na ikinagulat niya ang nangyari kay Reoma dahil simpleng tao lamang ito at mahirap isipin na mayroong kaaway.
Idiniin pa ni Moreno na kailangan na lumitaw ang motibo ng pamamaslang dahil kung work related umano ang motibo, dapat na matanggal sa city hall ang mga may dugong kriminal.
Hanggang sa ngayon ay nasa ICU pa rin ng UST hospital si Reoma matapos na magtamo ng tama ng baril sa mukha.
Agad ding nagpadala ng dalawang pulis si secretary to the mayor Rafaelito Garayblas at Manila City Hall Police Office chief Col. Alex Gutierrez upang bantayan si Reoma.
Lumilitaw sa inisyal na pagsisiyasat na sakay si Reoma ng taxi. Habang nakahinto sa panulukan ng España Boulevard at Cayco St., isang motorsiklo ang huminto sa tabi nito at pinaputukan si Reoma at saka tumakas.
Idinagdag pa ni Moreno na wala naman siyang alam na kaaway ni Reoma. (Doris M. Franche)