Treasurer timbog sa pagkuha sa P7.3 -M ng kompanya
Naaresto ng pulisya kamakalawa ng hapon ang treasurer ng isang kilalang strip mall sa Pasig City makaraang itakbo umano nito ang halagang P7.3 milyon halaga ng pera ng kompanya.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Ma. Theresa Manalac, treasurer ng Optimus Property Holdings, ang kompanya na nagpapatakbo ng Metrowalk strip mall na matatagpuan sa kahabaan ng Meralco Avenue Ortigas ng lungsod na ito at residente ng Penthouse D,
Ayon sa pulisya, naaresto ang suspek dakong alas-5:30 ng hapon kamakalawa sa bisa ng warrant or arrest na ipinalabas ni Judge Amelia Manalastas ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 268.
Nabatid na namimili sa isang kilalang meat shop ang suspek malapit sa tanggapan ng EPD Annex sa kahabaan ng Meralco Ave. ng nasabing lungsod ng mamataan ng mga tauhan ng Pasig police. Agad namang dinakip ng mga tauhan ng warrant section ng Pasig police ang suspek na hindi na rin pumalag at agad na dinala sa himpilan ng pulisya.
Ayon sa court records, inakusahan si Mañalac ng Optimus Property Holdings Corp., sa pamamagitan ng representante nitong si Ramon Lee ng qualified theft matapos na magwithdraw ng P7, 344, 000 mula sa pondo ng kompanya noong Pebrero 4, 2008.
Si Mañalac, ayon kay Lee, ay pinagtiwalaan ng kompanya na siyang tanging signatory sa lahat ng mga tseke o perang ipapalabas ng kompanya dahil nagsisilbi itong treasurer.
Sinabi pa ni Lee matapos nilang paghinalaan ang mga kilos ni Mañalac, napagkasunduan nilang palitan na lamang ito bilang treasurer, bagay na agad na natunugan ng suspek.
Matapos na mag-withdraw ng pera ay nagtago na si Mañalac at kamakalawa lang ito natiyempuhan ng awtoridad. (Edwin Balasa)
- Latest
- Trending