Isang 4-anyos na batang lalaki ang kumpirmadong nasawi makaraang maiwanan itong natutulog sa kanilang bahay nang sumiklab ang sunog ng dahil lamang sa natumbang kandila na nagsanhi rin sa pagkatupok ng may 50 kabahayan kamakalawa ng gabi sa Pasig City.
Kinilala ang nasawing biktima na si Suave Dimaoqor, ng 1211 Baltazar St. Brgy. Sto. Tomas ng nasabing lungsod. Sa ulat, sumiklab ang sunog dakong alas-10:17 ng gabi sa loob mismo ng bahay ng mga Dimaoqor.
Sa ginawang imbestigasyon ni Insp. Anthony Arroyo ng Bureau of Fire and Protection ng Pasig City, inamin ni Adawea Dimaoqor, tiyahin ng nasawing biktima na nag-iwan siya ng dalawang kandila sa kuwarto sa ikalawang palapag kung saan natutulog ang bata.
Makalipas ang ilang sandali ay napansin na ng mga kapitbahay na malaki na ang apoy sa nasabing kuwarto ng mga Dimaoqor at punumpuno na rin ng usok ang paligid. Sinikap pang balikan ng mga kaanak ang bata sa kuwarto subalit patay na ito nang makuha at ayon sa inisyal na imbestigasyon ay nasawi dahil sa suffocation.
Mabilis na kumalat ang sunog sa mga katabing kabahayan na umabot ng Task Force Alpha sa kabila ng napakalapit nito sa istasyon ng bumbero. Idineklarang under control ang nasabing sunog dakong alas-11:58 ng gabi at umaabot sa 50 kabahayan ang naabo dito habang kasalukuyan pang inaalam kung magkano ang halagang napinsala sa naganap na sunog. (Edwin Balasa)