Isang Army Colonel na tinaguriang “Mindanao warrior” ang nag-suicide sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili sa loob ng quarters nito sa Army Headquarters sa Fort Bonifacio, Makati City kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasawi na si Col. Roberto Caldeo, 48, nakatalaga sa Training and Doctrine Command sa Camp O’Donnel, Capas, Tarlac. Nagtamo ito ng isang tama ng bala ng baril sa noo. Nabatid na nag-iisa sa kanyang quarters si Caldeo ng mangyari ang insidente.
Ayon sa ulat, dakong alas-8:30 ng umaga nang makarinig ng malakas na putok ng baril sa quarters ng biktima sa Philippine Military Academy Alumni Association (PMAAA) sa Fort Bonifacio at nang tu nguhin ay doon natuklasan ang duguang biktima na nakahandusay sa may sala. Isang kalibre .45 baril din ang natagpuan sa lugar.
Ang biktima ay natalaga rin bilang Staff Officer sa Command and General Staff College sa Camp Aguinaldo at bago ito ay nagsanay sa elite forces ng Scout Rangers at Special Forces kung saan natalaga rin ito sa Mindanao bilang 1st Scout Ranger Battalion at 33rd Infantry Battalion sa Mindanao na kabilang sa pangunahing sumagupa sa mga bandidong Abu Sayyaf.
Ayon sa mistah ni Caldeo sa Phil. Military Academy (PMA) Class 1983, ang biktima ay isang mahusay na opisyal bagaman tahimik na tao na kadalasang pangiti-ngiti lamang.
“He’s one of the best. He has good quality leadership,” ayon kay Col. Ricardo Visaya na nagsabi ring sobra ang depresyon ng kanyang mistah at may mabigat itong dinadalang problema. Sinabi naman ng ilang sources na personal ding kakilala ng biktima na iniwan ito ng kanyang misis at buhat noon ay naging malulungkutin na ang nasabing opisyal na posibleng siyang sanhi ng pagpapakamatay nito. Nabatid pa na sa kasalukuyan ay nasa Estados Unidos umano ang misis ng nasabing opisyal.
Gayunman, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso para alamin kung may naganap na foul play dito.