Hinalay ng isang 17-anyos na binatilyo ang dalagitang magkapatid na kanyang pinsang buo habang nakatira sila sa bahay ng kanilang lola sa Pasay City.
Sinailalim ngayon sa pangangalaga ng Dept. of Social Welfare and Development ang mga biktimang sina Erika, 15; at Jenny, 14, (hindi mga tunay na pangalan) habang nakasampa pa ang kasong paglabag sa R.A.8353 o New Anti-Rape Law laban sa pinsan nilang buo na itinago naman sa pangalang Rusty na nagtago na nang malamang nagreklamo na sa barangay ang kanyang mga pinsan.
Lumalabas sa pagsisiyasat ni PO2 Carmencita Mejias ng Women and Children’s Protection Center ng Pasay Police na magkakasama sa bahay ng kanilang lola sa Mariasan St., Pasay ang tatlo matapos ipasya ng matanda na pag-aralin ang dalawang dalagitang apo nang tumigil sa pag-aaral ang suspek.
Natuklasan lamang ang ginagawang panghahalay ni Rusty sa dalawang pinsan nang sitahin ng mga barangay tanod ang magkapatid kamakalawa ng gabi dahil sa palagi nilang pananatili sa labas ng bahay kahit hatinggabi.
Ikinatwiran ng dalawa sa mga sumita sa kanilang barangay tanod na mas nais pa nilang manatili sa labas ng bahay ng kanilang lola hangga’t gising ang kanilang pinsan sa pangambang muli silang gapangin at halayin ng binatilyo.
Napag-alaman na pinakahuling insidente ng panghahalay ni Rusty kay Erika ay noon lamang Abril 18. (Lordeth Bonilla)