Apat na hinihinalang holdaper ang naaresto ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) matapos na mambiktima ang mga ito kahapon ng madaling-araw sa Maynila.
Kinilala ang mga suspek at kasalukuyang nakapiit sa MPD-Theft and Robbery section sina Loreto Casiano, 38, may-asawa, construction worker ng 1927 Careon St., Sta. Ana, Manila; Romer Topaquio, 47, vendor ng 1106 Labores St., Pandacan, Manila; Russel Bautista, 28, tricycle driver ng 1106-B Labores st., Pandacan, Manila at Roberto Solis, 28, binata, taxi driver, ng Road 14 Sta. Ana Manila.
Sa inisyal na ulat, dakong alas-3 ng madaling-araw nang maaresto ang mga suspek sa panulukan ng Quirino Ave at Mabini St., Malate, Manila.
Nabatid na bago maaresto ang mga suspek ay isang jeepney driver ang nag-report sa MPD-Mobile car no. 332 na umano’y sakay ng mga hinihinalang holdaper sa isang taxi na may plate number na TVV 977
Nagkataon namang dumaan ang naturang taxi kayat naispatan ito ng mga awtoridad at naaresto ang mga suspek.
Nabatid na bago maaresto ang mga suspek ay hinoldap ng mga ito ang biktimang sina Edgardo Antonio,39, parking warden ng Makati Parking Authority at Ema Antonio,35,call center agent at kinuha ang kanilang mahahalagang gamit kabilang dito ang cellphone, P3,500 at iba pang kagamitan.
Matapos na mambiktima ang mga suspek ay tumakas ang mga ito gamit ang isang taxi na minamaneho ni Solis sa direksiyon ng Quirino Avenue sa Maynila subalit naplakahan ito ng isang jeepney driver at inireport ito sa operatiba ng MPD na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.
Hindi naman naibalik ang tinangay ng mga suspek na pinaniniwalaang naipasa ito sa mga kasamahan nila. (Gemma Amargo-Garcia)