Naaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 68-anyos na American pedophile na matagal nang wanted sa bansang Amerika dahilan sa pangmomolestiya at sa pagkakasangkot sa child pornography.
Kaagad na inaresto ng mga operatiba ng Law Enforcement Division (LED) ng BI ang pedopilyang si Frederick Louis Dipasquale sa kanyang bahay sa Saint Joseph Street, Doña Pilar, Sasa, Davao City.
Kaagad din itong iniluwas ng Maynila at ipiniit sa Bicutan immigration jail habang inihahanda ang deportation proceedings nito.
Ayon kay Atty. Floro Balato, spokesman ng BI, ang pagkaaaresto kay Dipasquale ay bunsod sa kahilingan na rin ng US embassy sa BI upang mahanap at maaresto ang suspek na matagal nang nagtatago sa bansa matapos itong dumating sa bansa noong Mayo 2005 bilang turista sa loob ng 21 araw.
Nabatid na naaresto ang suspek habang nasa akto nitong kinukuhanan ng litrato ang isang batang babae sa isang parke sa Davao.
Base sa ibinigay na impormasyon ng Federal Bureau of Investigation (FBI) si Dipasquale ay may kasong kriminal sa Amerika dahilan sa pangmo-molestiya sa anak ng kanilang kapitbahay.
Bukod dito,nakitaan din ito ng mga hubad na litrato ng mga menor-de-edad sa kanyang personal computer kayat kinasuhan din ito ng paglabag sa child pornography act. (Gemma Amargo-Garcia)