Opisyal ng MPD inireklamo ng nobya
Isang mataas na opisyal ng Manila Police District ang nasa balag ngayon ng alanganin matapos na ipagharap ito ng patung-patong na reklamo ng kanyang umano’y nobya na umano’y kanyang binoldyak at pinagtangkaang halayin sa Binondo, Maynila, iniulat kahapon.
Bakas pa ang mga pasa sa mukha at kamay nang personal na dumulog sa tanggapan ni Supt. Eleazar Matta, Hepe ng MPD-General Assignment Section, ang biktimang itinago sa pangalang Lenny, 32, residente ng Antipolo City upang ireklamo si Supt. Nelson Yabut, hepe ng MPD-Station 11 (Binondo).
Sa salaysay ng biktima, dakong alas-3:30 ng madaling-araw noong Abril 15, 2008 nang umano’y maganap ang pang-aabuso ni Yabut sa biktima sa Room 207, 2nd floor ng Pharaoh Hotel, Binondo, sa Maynila.
Ayon sa biktima, nagko-computer siya ng mga sandaling iyon nang dumating si Yabut at nagsabing magpapahinga at matutulog dahil pagod umano ito. Ilang sandali pa ay kinausap umano siya ni Yabut kung bakit hindi na niya ito kinakausap at nang hindi umano niya ito sinagot ay nagalit ito, sinabunutan siya at inuntog ang ulo sa
Ang lalo umano niyang ikinatakot ay nang kasahan siya nito ng baril na itinutok pa umano sa kanyang sentido bago sinabing “papatayin na lamang kita kaysa mapunta ka pa sa iba”. Dagdag pa ng biktima na ilang beses na umano siyang sinasaktan ni Yabut at wala siyang alam na dahilan kung bakit siya nito sinasaktan.
Itinanggi naman ni Yabut ang akusasyon ng biktima gayunman inamin nito na apat na taon na ang kanilang relasyon.
“Hindi totoo yan (akusasyon). Ang gusto kasi niya ay hiwalayan ko ang aking pamilya” pahayag ni Yabut. Dagdag pa ni Yabut na siya pa nga mismo ang nagsusustento sa pamilya ng biktima.
Kasong paglabag sa Art 263 (Physical Injuries); Art. 282 (Grave Threat) at Attempted Rape in relation to Women’s and Children ang isinampa laban kay Yabut. (Grace dela Cruz)
- Latest
- Trending