Umakyat na sa dalawa ang nasawi sa aksidenteng naganap sa Trinoma mall matapos na hindi na rin naisalba pa ng mga manggagamot ang buhay ng isa pang pintor na una nang naiulat na nasa comatose kamakalawa ng gabi. Pumanaw na rin ang biktimang si Rommel Panuelas sa loob ng intensive care unit ng East Avenue Medical Center matapos na unang masawi ang kasamahan nitong si Juan Mariano. Inoobserbahan rin naman ang kundisyon ni Rafael Tala habang nakalabas na ng pagamutan ang iba pang kasamahan na sina Rommel Ricamora at Lionel Ortiz. Matatandaan na bumagsak dakong alas-2 kamakalawa ng hapon ang scaffoldings na tinatapakan ng limang pintor sa ikalawang palapag ng parking area ng Trinoma Mall na nakaharap sa Mindanao Avenue. Nagpahayag naman ang pamunuan ng Ayala Land Corporation na handa silang sagutin lahat ng gastusin ng mga biktima habang nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Quezon City Police District upang mabatid kung nagkaroon ng kapabayaan ang contractor ng mga naturang pintor sa kanilang kaligtasan. (Danilo Garcia)