Isang construction worker ang nasawi, habang dalawa pa ang nasa kritikal na kondisyon matapos na bumagsak ang tinatapakan nilang scaffolding sa isang bagong mall sa Quezon City kahapon.
Nasawi sa loob ng East Avenue Medical Center dahil sa tinamong sugat sa ulo ang biktimang si Juan Mariano, habang patuloy namang inoobserbahan sa intensive care unit (ICU) ang mga kasamahan nitong sina Rafael Tala at Rommel Panuelas.
Nagtamo naman ng mga galos at sugat sa katawan ngunit nasa maayos na kalagayan ang dalawa pang pintor na sina Rommel Ricamora at Lionel Ortiz.
Ayon kay Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, naganap ang insidente dakong ala-1:30 ng hapon sa ginagawang parking area sa bahagi ng Mindanao Avenue ng Trinoma Mall na pag-aari ng Ayala Land Corportion.
Nabatid na nagpipintura ang mga biktima nang biglang makalas ang tinatapakan nilang scaffolding buhat sa ikalawang palapag. Nabagok ang ulo ng mga biktima at nabagsakan ng mga bakal sanhi ng agad na pagkamatay ni Mariano.
Nangako naman si Alfie Reyes, tagapagsalita ng Ayala Land na sasagutin nila lahat ng gastusin ng mga biktima at kasalukuyan nang nagsasagawa ng imbestigasyon upang mabatid kung nagkaroon ng kapabayaan ang contractor ng naturang mall. Nagpahayag rin ng pagkalungkot si Reyes sa naganap ang aksidente at sinabing wala namang gustong mangyari ito. (Danilo Garcia)