4 tiklo sa mga pekeng pera
Nagbabala kahapon ang mga operatiba ng Manila Police District (MPD) sa publiko sa nagkalat ng pekeng P500 bill matapos na madiskubre ang imprentahan ng pekeng pera at maaresto ang apat na katao sa Sta. Cruz, Maynila kamakalawa ng gabi.
Nakakulong ngayon sa MPD-Station 1 (Binondo) ang suspek na sina Ricky Chan, 45, vendor; Erwin Cabiling, 22, binata; Richard Reyes, 35; at Pacifico Laminato, 48, ng #1835 Oroquieta St., Sta. Cruz, Manila.
Sa report ng pulisya, dakong alas-9:30 ng gabi nang naaresto ang mga suspek sa loob ng Spring Hotel sa #880 Rizal Ave. Sta. Cruz,
Nauna rito, bumili ng dalawang pirasong metallic rulers si Cabiling sa tindahan ng isang Artemio Agsalud, 55, negosyante, sa halagang P120 at nagbayad ito ng P500.
Gayunman, nang ipadaan sa currency detector ang ibinayad ng suspek ay natuklasan na peke ito kaya pansamantalang pinigil si Cabiling bago ito inireport sa MPD-Meisic Police Station (PS-11).
Sa pulisya, nakipagtulungan si Cabiling na ituro ang pinagkunan nito ng pekeng pera kaya bumuo ng team ang pulisya. Dakong alas-9 ng gabi nang isagawa ang operasyon na nagresulta sa pagkaaresto sa iba pang suspect.
Nakakuha rin ang pulisya ng ilang pirasong sachet ng shabu sa pantalon ni Chan nang ito ay kapkapan.
Pinasok din ng pulisya ang Room 304 ng nasabi ring hotel na umano’y imprentahan ng pekeng pera na nagresulta sa pagkakaaresto kina Reyes at Laminato na naaktuhan pang sumisingot ng hinihinalang shabu. Nakuha sa naturang kuwarto ang pitong pirasong pekeng P500 bills, isang unit ng Laptop computer; Epson C90 Computer printer, iba’t ibang paraphernalia sa paggawa ng pekeng pera at mga drug paraphernalia. (Grace dela Cruz)
- Latest
- Trending