Sinampahan ng kasong “reckless imprudence resulting to damage to property with physical injuries” ng Quezon City Traffic Management Unit ang dating child actor na si Niño Muhlach matapos na mabangga nito ang isang taxi nitong nakaraang Lunes ng umaga.
Isinampa ang kaso sa Quezon City Prosecutor’s Office laban kay Muhlach, Angelo Jose Rocha-Muhlach sa totoong buhay, 36, at residente ng #140 N. Domingo St., Cubao, ng naturang lungsod.
Ito’y base sa reklamo ng biktimang si Ernesto Narciso, driver ng Jamonette taxi (TXJ-337) at naninirahan sa #2260 Avocado St., Camarin, Caloocan City.
Sa salaysay ni Narciso, naganap ang insidente dakong alas-3:15 ng madaling araw nitong nakaraang Lunes sa panulukan ng Panay at Dr. Garcia Avenue, ng naturang lungsod. Binabagtas ni Narciso ang Panay Avenue nang banggain siya sa kanang tagiliran ng kanyang taxi ng Mitsubishi Montero van (XTU-342) na minamaneho mismo ni Muhlach. Dahil sa lakas ng pagkakabangga, nagpaikut-ikot ang taxi hanggang sa bumangga sa isang street sign. Bumangga naman ang van ni Muhlach sa bakod ng isang bahay sa tabi ng kalsada.
Isinugod naman si Narciso sa Capitol Medical Center matapos na magtamo ng sugat sa kanyang katawan. Depensa naman ni Muhlach na galing sa isang kalsada ang taxi na hindi muna nagme-menor o huminto kaya niya nabangga ito. (Danilo Garcia)