Lolo tinarakan, patay

Isang  51-anyos na lolo ang pinatay sa saksak ng tatlong kalalakihan dahil umano sa ginagawang pananakot ng una sa anak ng isa sa mga suspect,  kamakalawa ng gabi sa Navotas City. Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Tondo Medical Center (TMC) sanhi ng tinamong maraming tama ng saksak sa kanyang katawan ang biktimang si Roberto Balagtas, ng #82 Reyes Street, Barangay Bangkulasi ng na­banggit na lungsod. Kaagad namang naaresto ng mga barangay tanod ang isa sa mga suspek na si Anthony Alvarez, 26, at kapitbahay ng nasawi habang pinaghahanap ang dalawang kasamahan nito na sina Michael Libiste,  ng Sangandaan, Caloocan City at Jhong Gonzales ng Pescador R-1, Barangay Bangkulasi, Navotas City. Sa ulat ng pulisya, dakong alas-11 ng gabi nang maganap ang insidente sa tapat ng bahay ng biktima sa naturang lugar. Nang lumabas ng bahay ang matanda ay  agad itong kinalawit ng mga suspek at walang sabi-sabing pinagtulungang undayan ng saksak. Tinigilan lamang ng mga suspek ang pananaksak sa biktima matapos na matiyak na wala na itong buhay. Nadakip naman nang rumespondeng mga tanod ang papatakas na sanang si Alvarez at ang dalawa lamang na kasamahan nito ang nakatakas. Paghihiganti ang motibo ni Alvarez, makaraan ang ilang araw nagkaroon ng pagtatalo ito at ang matanda, dahil sa laging tinatakot ng biktima ang anak ng suspek na ipapakagat ito sa alagang aso. Nagsumbong ang bata sa amang si Alvarez, na ikinagalit ng suspek, dahilan upang patayin nito ang matanda. (Lordeth Bonilla)

Ex-pulis tinodas

Isang dating pulis ang pinaslang ng tatlong hindi pa nakikilalang salarin matapos na tambangan at pagbabarilin ito habang papauwi sa kanyang bahay kamakalawa ng gabi sa Quezon City.Nakilala ang nasawi na si Arturo Castillo, 36, dating miyembro ng PNP-Special Action Force, at nanini­rahan sa Rizal St., Brgy. Bagong Silangan, ng naturang lung­sod. Sa inisyal na ulat , naganap ang insidente dakong alas-11:30 ng gabi sa tapat ng isang bahay sa #60 Payatas-A Brgy. San Vicente, ng naturang lungsod. Nabatid na papauwi na ang biktima  sakay ng isang motorsiklo  nang tambangan ng tatlong suspek at sunud-sunod na pagbabarilin ito. Ina­alam rin ngayon ng pulisya ang anggulo ng krimen kung saan tinutukoy ngayon ang trabaho ngayon ng biktima na maaaring may kinalaman sa pamamaslang. (Danilo Garcia)

May sakit sa baga, naglason

Dahil sa matagal ng idinadaing sa sakit sa baga, isang 45-anyos na lalaki ang nagpatiwakal sa pamamagitan ng pag-inom ng kemikal  na panlinis ng silver kahapon ng madaling araw sa Navotas City. Kinilala ang nasawing biktima na  si Edgardo Sarmiento,  ng # 575 Pescador Street , Brgy. Bangkulasi ng nabanggit na lungsod. Ayon sa Navotas City Police, dakong alas- 3:00 ng madaling araw nang matagpuang nakahandusay sa sahig ng kanilang bahay ang biktima at bumubula ang bibig . Nauna rito, ayon sa anak ng biktima na si  Shiela Marie, na hinahanap ng kanyang tatay ang silver cleaner at pinaniniwalaang ito ang ginamit sa pagpapatiwakal. Ayon naman sa kanyang live-in partner na si Merciditas Bravo Dela Peña, 45,  noong nakalipas na Abril 2, 2008 ay dinala niya ang biktima sa ospital  para ipagamot dahil pinahihirapan ito ng kanyang sakit sa baga na pinaniniwalaang siyang nagtulak sa biktima para magpa­kamatay. Kasalukuyan ngayong sinisiyasat ng pulisya upang mabatid kung talagang nagpakamatay ang biktima o may naganap na foul play sa insidente. (Lordeth Bonilla)

Show comments