Birthday party nilusob, celebrant dedo

Naging madugo ang ginanap na birthday party ng isang 26-anyos na mis­ter nang ataduhin ito ng sak­sak hanggang sa ma­patay, habang kritikal naman ang isang bisita nito makaraang salakayin ang nasabing pagtitipon ng anim na ka­lalakihan na pa­wang nairita nang hindi im­bitahan ng una, kama­ka­lawa ng hapon sa Navotas City.

Ang biktimang si Arnold Bardaje, porter at residente ng Sitio Sto. Niño, North Bay Boulevard South (NBBS) ng nabanggit na lungsod ay hindi na umabot pa ng buhay sa Tondo Me­dical Center (TMC) sanhi ng tinamong maraming tama ng saksak sa kan­yang katawan.

Kasalukuyan namang ino­obserbahan sa inten­sive care unit (ICU) ng na­sabi ring ospital ang bisita at kapitbahay ng nasawi na si Mark Anthony Danao, 22, electrician matapos mag­tamo rin ng mga sak­sak sa iba’t  ibang parte ng katawan nito.

Dalawa naman sa anim na suspect na nakilalang sina Gil Sumondong, 48, at Sixto Noveda, 35, ay agad na naaresto ng mga awto­ridad, habang nagpapaga­mot din sa TMC sanhi ng mga tama ng saksak sa ka­nilang katawan.

Samantala, pinagha­ha­nap pa ng pulisya ang apat pang suspect na sina Dante Balwarte, 33;  Ro­dolfo Sagohan; Eddie Naval  at Junior Dabanda pawang mga kapitbahay din ng napatay na biktima.

Batay sa imbestigas­yon, dakong alas-5:30 ng ha­pon nang mangyari ang na­sabing insidente sa harap ng isang tindahan na mata­ tagpuan sa boundary ng Sitio Puting-Bato at Sitio Sto. Niño, Brgy. NBBS, Navotas.

Nabatid na unang ma­sayang ipinagdiriwang ng bik­tima ang kanyang ka­ara­wan kasama ng kan­yang mga kaanak, ilang bisita at mga kaibigan nang biglang lusubin ni Balwarte at mga kasamahan nito ang nasabing pagtitipon.

Dito, biglang nagka­labu-labo sa pagitan ng pangkat ng biktima at pang­kat ng mga suspect, makalipas ang ilang minuto ay nakita na lamang na duguang nakahandusay sa lupa ang celebrant at si Danao.

Napag-alaman naman sa pagsisiyasat ng pulisya sa kapatid ng biktima na si Arnel Bardaje na nagalit umano ang mga suspect sa kanyang kapatid dahil hindi umano nito inimbita­han ang mga huli sa da­hilang kapag nalalasing na ang mga ito ay gulo ang hanap ng mga suspect. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments