Nangangailangan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng 200 Traffic enforcers na isasailalim sa pagsasanay para magmantina ng batas trapiko sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Sinabi ni MMDA General Manager Robert C. Nacianceno, maaaring mag-apply sa kanilang tanggapan sa Makati City ang may taglay na 5’5" ang taas sa mga babae at 5’8" naman sa mga lalaki.
Prayoridad ng ahensiya ang pagtanggap sa mga nagsipagtapos ng apat na taong kurso sa kolehiyo subalit maaari din aniya na mag-apply ang mga nasa 2nd year college level.
Bukod sa traffic enforcers, kailangan din ng mga obrero, welders, painters, drivers at automotive electricians.
Sa mga interasadong maging kawani ng MMDA, maaaring magsadya sa personnel department sa Orense St., Makati City. Kabilang sa requirement ang barangay clearance, ID pictures at ang pipirmahan na PDF o magsumite ng resume para sa evaluation. (Lordeth Bonilla)