Ginang todas, anak kritikal sa killer truck

Kaagad na binawian ng buhay ang  isang 36-anyos na misis, habang malubhang nasu­gatan ang anak nitong batang babae nang aksidenteng maka­ladkad ng rumaragasang  truck kahapon ng tanghali sa lungsod Caloocan.

Kinilala ni Sr. Insp. Abner Yambao Castro, hepe ng Ca­lo­ocan City Traffic Enforcement Unit, ang nasawing biktima dahil sa  grabeng pinsala sa kanyang katawan na si Ro­wena Gener-Delosa, ng 413 Libis Gochuico ng nasabing lungsod.

Kasalukuyan namang ino­ob­serbahan sa President Dios­dado Macapagal Memorial Medical Center (PDMMC) ang anak nitong si Johnelle Dolosa, 9, nabagok ang ulo nito at nag­tamo ng malulubhang pasa at sugat sa katawan.

Kusa namang sumuko at  nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homi­cide at serious physical injuries ang driver na si Johnny Avenido, 44,  ng Salmon St., Ka­unlaran Village, Caloocan City.

Ayon sa pulisya,  pasado alas-12 ng tanghali nang ma­ganap ang insidente sa kaha­baan ng Dagat-Dagatan Avenue malapit sa Tawilis Street, Brgy.  25 ng nasabing lungsod.

Nabatid, na kasalukuyang naglalakad ang mag-ina sa na­turang lugar nang aksidenteng mahagip at kaladkarin ang mga ito ng  truck na may  pla­kang  UTD-803,  ni Avenido.

Tumilapon ang mag-ina kung saan una ang ulo na bu­magsak sa kalsada si Rowena. Hindi halos ito makilala dahil sa pagkadurog ng mukha.

Mabilis namang isinugod ng ilang residente ang anak ng na­sawi sa  nabanggit na ospital,  kung saan nasa maselang kala­gayan ito. (Lordeth Bonilla)

Show comments