Indian national tiklo sa pagmamaltrato at pangmomolestiya sa 3 katulong

Nailigtas  kahapon ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) ang tatlong katulong habang na­dakip naman ang among Indian national, na umano’y nagmamaltrato at nangmomolestiya sa mga una sa Malate, Maynila, ayon sa ulat kahapon.

Ipinagharap ng reklamong acts of lascivious­ness at illegal detention ang 53-anyos  na si Mahtani Gulran, alyas “Max”, negosyante at resi­dente  ng 2550 Arellano St., corner Don Pedro, Vito Cruz, Maynila, ng mga katulong na itinago sa pangalang sina Aida, 18; Lorna, 21 at Fe, 24.

Sa report ni Supt. Joaquin Alva, hepe ng MPD-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ala-1 ng hapon, kamakalawa nang ares­tuhin ang suspek sa kanyang bahay.

Sa reklamo ng mga katulong, sa tuwing mala­lasing ang among suspek ay ginagapang sila at pinaghihipuan sa maseselang bahagi ng katawan.

Bukod pa ito, pare-pareho na umano silang pinagtangkaang gahasain ng suspek subalit sa panla­laban ay hindi umano naitutuloy. Madalas rin umano silang ikulong ng amo.

Nakarating ang ulat sa pulisya nang isang residente na umano’y nagmalasakit sa mga bik­tima ang humingi ng tulong hinggil sa sinasapit na tatlong biktima kaya agad na isinagawa ang rescue sa mga ito.

Habang nasa presinto, mariing itinanggi ng suspek ang mga akusasyon laban sa kanya. (Ludy Bermudo)

Show comments