^

Metro

5 Magdalo lalaya na!

-

Limang miyembro ng  Magdalo Group na nahaharap din sa kasong kudeta kaugnay sa naganap na Hulyo 2003 Oakwood mutiny ang inaasahang makalalaya na matapos direktang iutos kahapon ni Makati City Regional Trial Court Branch 148 Judge Oscar Pimentel sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang agarang pagpapalaya sa mga ito matapos na makapagpiyansa.

Kabilang sa iniutos palayain ay si  1st Lieutenant Lawrence San Juan na kabilang sa 31 miyembro Magdalo Group  na nahaharap  sa kasong kudeta.  

Maliban kay San Juan inaasahang maka­lalaya din ang apat pang kasamahan nito na  sina 1st Lts. Warren Lee Dagupon, Von Rio Tayab, Audie Tocloy at Rex Bolo sa oras na mailagak ang kanilang piyansa matapos pa­ya­­­gan din kahapon  ng korte na magpiyansa ang mga ito sa kanilang kinakaharap na kaso.

Batay sa isang pahinang desisyon ni Judge Pimentel, inatasan nito ang Philippine Army na siyang may kustodiya kay San Juan na agad itong palayain mula sa kanyang pagkakadetine.

“The Commanding Officer, 15th Intelligence Security Group, Philippine Army, Fort Bonifacio, Makati city is hereby ordered and directed to release from detention and his custody the person of the accused 1st Lt. Lawrence San Juan 0-12436 (Infantry), said accused having filed the required personal bail bond in the amount of P100, 000 issued by First Integrated  Bonding and Insurance Corporation dated April 3, 2008 with the corresponding clearance stamped by the Office of the Clerk of Court for his provisional liberty accordingly, the provisional liberty of the accused is hereby granted unless said accused should be detained for some other lawful cause,” nakasaad sa nasabing court order na inisyu ni Pimentel.

Sa panayam naman kay Assistant Chief State Prosecutor Richard Anthony Fadullon,  sa kasalukuyan ay inihahanda na ang mga kaukulang release papers ni San Juan gayundin habang isinusulat ang balitang ito ay isinasailalim na umano ang huli sa medical exam bilang proseso sa pagpapalaya at anumang oras mula ngayon ay malayang makalalabas na ito ng kulungan.

Nabatid na pinaboran ni Judge Pimentel si San Juan at iba pang kapwa akusado nito matapos magsampa ng motion for bail noong July 2004 sa batayang nagsilbing “participants”  lamang o tagasunod umano ang mga Magdalo members sa mga lider ng kanilang grupo.

May kahalintulad na mosyon din ang isinampa ng mga lider ng Magdalo sa pangu­nguna ni  Sen. Antonio Trillanes IV, subalit ibinasura ito ng korte sa basehang matibay umano ang ebidensiya laban sa senador at ilang lider ng kasamahan nito na isinampa ng Department of Justice (DOJ) kaugnay ng naganap na Oakwood mutiny.

Napag-alaman pa ng PSNGAYON na matagal nang naaprubahan ng korte ang paglalagak ng piyansa ni San Juan at iba pang Magdalo members subalit hindi naman umano ito agad na nakalaya dahil tumanggi ang militar na palayain ang mga ito sa basehang mayroon pang kinakaharap na court martial proceedings ang mga ito sa paglabag naman nila sa  Articles of War 97. (Rose Tamayo-Tesoro)

JUDGE PIMENTEL

MAGDALO

SAN JUAN

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with