Matapos na patikimin ng spray-painting ang mga out-of-line o mga kolorum na bus ay mga jeepneys, taxicabs, vans at tricycle naman ang pinuntirya kahapon ng pinagsanib na pwersa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at pulisya na nakahambalang sa mga ilegal na terminal, sidewalks, intersections at road right-of-ways sa EDSA.
Sa panayam kay MMDA Traffic Enforcement Group chief Roberto Esquivel, sinabi nito na dakong alas-6 ng umaga kahapon nang umpisahan ng ahensiya kasama ang ilang miyembro ng kapulisan ang panghuhuli sa kahabaan ng Baclaran at Monumento ng Edsa Avenue.
Habang isinusulat ito ay patuloy pa ring isinasagawa ang nasabing operasyon ng MMDA at kapulisan kung saan umaabot na sa kabuuang 22 colorum bus, jeep, taxi at FX ang nasakote ng mga ito.
Ayon pa kay Esquivel na ang nasabing hakbang ay bilang pagpapatuloy sa kanilang Phase 2 campaign laban sa mga colorum na pampasaherong sasakyan na walang pakundangang bumibiyahe at nagpapasikip sa daloy ng trapiko sa Edsa.
Ayon pa kay Esquivel, karamihan umano sa mga naarestong jeep, taxi at FX ay pawang nakahambalang sa mga iligal nilang terminal sa mga intersections, sidewalk curbs, ilalim ng mga footbridge ng MRT at LRT lines na naghihintay ng kani-kanilang mga pasahero.
Sa kaso naman umano ng mga naarestong colorum bus units, wala umanong kaukulang micro-chips ang harapan ng mga windshields ng kanilang sasakyan at wala ring maipakitang kaukulang dokumento ang mga driver na magpapatunay na nasa tamang ruta nga sila.
Agad namang dinala ng MMDA sa kanilang impounding yards sa Pasig at Las Piñas ang mga nahuling colorum na mga sasakyan.
Ang mga tsuper naman ng tricycle na naaresto ay binigyan ng kaukulang multa at “warning” kung saan kapag muling maaresto pa umano ang mga ito ay papatawan na sila ng mas mabagsik pa na parusa. (Rose Tamayo-Tesoro)