Opisyal ng MPD, ‘tinalo’ ng riding-in-tandem
Isang opisyal ng Manila Police District (MPD) ang inatake ng dalawang pares ng riding-in-tandem na mga holdaper at tinangayan ng P310,000 cash na kawi-withdraw pa lamang kung saan nabaril din ang driver nito, kahapon ng tanghali sa Sta. Cruz, Maynila.
Nakilala ang biktima na si Chief Insp. Isagani Ilas, hepe ng Investigation Section ng MPD-Station 3, habang nasa malubhang kondisyon sa UST Hospital ang driver nitong si Sabido Chavez, 52, na nagtamo ng bala sa mukha mula sa kalibre 45.
Mabilis namang nagsitakas ang apat na suspek na magkakaangkas sa dalawang Enduro type na motorsiklo na walang plaka.
Batay sa ulat, dakong alas-12:10 ng tanghali nang maganap ang insidente sa panulukan ng Andalucia at Bambang Sts., Sta. Cruz, Maynila.
Nabatid na kagagaling pa lamang sa Metro Bank ng naturang pulis na nag-withdraw ng P310,000 cash. Sakay na ito ng maroon na Nissan Sentra (ZEN 117) na minamaneho ni Chavez patungo sa kanyang talyer o ‘buy and sell’ shop ng kotse, sa may Tayuman St., Sta, Cruz nang biglang dinikitan ng mga suspek at agad na binaril si Chavez. Nagtangka pa umanong makipagputukan ni Ilas subalit ‘palpak’ umano ang service firearm na 9 mm. kalibre nito na hindi pumutok.
Mabilis na kinuha ng mga holdaper ang salapi ni Ilas at apat pang tseke ng Banco De Oro at Metrobank. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending