Lolong Hapones arestado
Isang 68-anyos na Hapones ang dinakip matapos na ireklamo ng isang “prostitute” na umano’y hindi nito binayaran sa ‘serbisyo’ kahapon ng madaling- araw sa Malate, Maynila.
Inihahanda na ang kasong acts of lasciviousness at physical injuries laban sa suspek na si Tatsuo Sugimarou, pansamantalang nanunuluyan sa Room 809 ng Mabini Mansion, Malate, Manila.
Ito’y matapos pormal na maghain ng reklamo sa Manila Police District-General Assignment Section (GAS) si Mannilyn Samson, 23, ng Pasay City.
Sa report ni PO3 Knowmie Sia ng MPD-GAS, dakong alas-2:05 ng madaling-araw nang arestuhin ang suspek sa loob ng tinutuluyan nitong hotel.
Nabatid na kinuha ng suspek ang serbisyo ng biktima sa LA Café and Restaurant sa Malate, Maynila matapos magkasundo na magbabayad ang Hapones ng P3-libo sa pakikipagtalik.
Isinisi ng babae na hindi umano ‘kaya’ ng suspek na isagawa ang pakikipagtalik kahit ilang oras na silang nagtatabi kaya uminit ang ulo ng huli at ipinagtabuyan ang babae palabas ng kuwarto ng hotel.
Nang singilin umano ng babae ay nagdahilan ang suspek na hindi naman natuloy ang pagtatalik kaya hindi siya dapat magbayad.
Nang mamataan ng babae sina SPO2 Florencio Vicedo at SPO2 Efren De Guzman ay humingi umano ito ng tulong para ipadakip ang suspek. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending