Nagpakitang-gilas ang isang barangay tanod nang arestuhin nito ang isang 30 -anyos na lalaki na nang-agaw sa cellphone ng isang sales lady sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling araw.
Kasong robbery-snatching ang kinakaharap ng suspek na si Louie Vela, may asawa, walang trabaho, ng 358 Sta. Margarita St., Tondo dahil sa reklamo ni Jovelyn Caparal, 23, dalaga, saleslady, ng Parola Compound, Tondo.
Sa report ni Supt. Jose Mario Espino, hepe ng Manila Police District-Station 2, dakong ala-1:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Sta. Margarita St., Tondo.
Sa salaysay ng biktima, papauwi na ito sakay ng isang pedicab nang sumulpot ang suspek sa likurang bahagi nito at hinablot ang hawak nitong cellphone.
Nagtatakbo papalayo ang suspek bitbit ang cellphone ng biktima gayunman napansin ng nagpapatrulyang tanod na si Jefferson Lopez ng Barangay 14, Zone 2, District 1 ang naturang komosyon matapos na magsisigaw ang biktima kaya hinabol nito ang suspek na nagresulta sa pagkakaaresto nito. (Grace Amargo-dela Cruz)