Humigit-kumulang sa 300 pamilya ang nawalan ng tirahan habang tinatayang aabot sa halagang limang milliong halaga ng mga ari-arian ang naabo sa isang sunog kamakalawa ng gabi sa Caloocan City .
Ayon kay C/Insp. Juan Reyes, Caloocan City Fire Marshal, dakong alas-7:20 ng gabi nang tupukin ng apoy ang bahay ng isang Eliza Abesamis sa #366 BMBA Compound, 2nd Street, 5th Avenue ng nabanggi na lungsod.
Nagsimula ang sunog sa loob ng kuwartong inuukopahan ng isang Junior at Levi Sebastian sanhi umano ng napabayaang sinindihang kandila dahil sa walang kuryente ng mga oras na iyon.
Ang sunog ay tumagal ng higit sa apat na oras at wala namang naiulat na nasaktan o nasawi sa nasabing insidente.
Samantala, naalarma at nabulabog ang mga residente ng isang barangay sa Valenzuela City nang biglang lamunin ng apoy ang isang bodegang naglalaman ng mga bala at pampasabog sa nasabing lungsod.
Sa nakalap na impormasyon kay C/Insp. Agapito S. Nacario, Valenzuela City Fire Marshal, bandang alas-9 ng gabi nang magsimulang magliyab ang kaliwang bahagi ng stockroom ng Stronghold Inc. na pag-aari ng isang Kedin Go Cedenio sa 559 Paso de Blas ng nabanggit na lungsod.
Dahil sa mabilis na pagresponde ng mga kagawad ng pamatay sunog ay dagling naagapan ang pagkalat ng apoy at mabuti na lamang ay hindi nadamay ang mga nakaimbak na sari-saring bala ng iba’t ibang kalibre ng baril at mga pampasabog.
Nagsasagawa naman ng masusing imbestigasyon ang mga Arson Investigator hinggil sa insidente at elemento ng Valenzuela City Police hinggil sa mga nadiskubreng mga bala at mga pampasa bog para mabatid kung may kaukulang dokumento ang mga ito. (Lordeth Bonilla)