Sugal, droga at bentahan ng “laman” sa  Parañaque binira

Sinasabing laganap ang mga ilegal na aktibidad sa ilang lugar sa Parañaque City na umano’y kinasasang­kutan ng ilang namumuno rito.

Bunga nito, hinihiling ng ilang residente na mas mainam na pagtuunan ng pansin ng pulisya ang mga nasabing lugar partikular na ang Johans St., Pascor Drive ng Bo. Sto., Niño ng nabanggit na lungsod na ang mga nani­nirahan ay tinatayang nasa 100 pamilya sa may tabing estero o squatters area.

Malaya umanong naisasagawa  ng mga residente rito ang iba’t ibang ilegal na aktibidades katulad ng majong, tong-its, kara y cruz; bentahan ng ipinagbabawal na gamot at panandaliang-aliw.

Ilang mga residente ang nagsasabing “front” din umano ng prostitution ang videoke haus ng isang alyas “Osang Topak” kung saan ay pinapayagan nitong uminom ng alak ang mga  menor-de-edad.

“Marami pong menor-de-edad na karamihan ay out-of-school youth ang umiinom sa lugar ni Osang at kapag nalalasing na sila ay iba’t ibang kalaswaan ang makikita sa kanila,” ayon sa ilang residente

Nabatid na ilang beses na ring tinangka ng mga alagad ng batas na hulihin ang mga ilegal na gawain sa mga na­banggit na lugar subalit hindi rin ito nasusupil dahil papa­rating pa lamang ang mga pulis ay mabilis na nagsisi-alisan na ang mga ito sa tulong ng kanilang mga “tipsters” sa labasan.

Napag-alaman pa sa impormasyon na pinagtatakpan umano ng isang alyas Sally na  nagpapanggap na lider ng asosasyon ang ilegal na gawain sa Johans St. sa tulong  ng kaniyang mga parokyano na sina Osang at Tess Adik.

Maliban sa sinasabing bagsakan ng ipinagbabawal na droga at illegal vices, ang naturang lugar ay pinamumugaran rin ito ng mga holdaper na nanghuholdap sa kahabaan ng Ninoy Aquino International Airport. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments