Hinatulan kahapon ng habambuhay na pagkabilanggo ang isang ‘tulak’ ng droga na nahulihan ng halagang P250 na halaga ng shabu sa isang entrapment operation na isinagawa ng pulisya limang taon na ang nakalilipas sa Pasig City.
Bukod sa nasabing pagkakabilanggo ay inatasan din ng korte ang akusadong si Eduardo Borlagdatan na magbayad ng P500,000 bilang kaparusahan sa kasong pagtutulak ng iligal na droga.
Base sa anim-na-pahinang desisyon ni Judge Librado Correa ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 164, naaresto ang akusado noong Marso 20, 2003 sa Villa Sanchez St., Brgy. Palatiw ng lungsod na ito nang magsagawa ng buy-bust operation ang Pasig police hinggil sa talamak umanong pagbebenta ng droga ni Borlagdatan sa lugar.
Ibinasura ng korte ang depensa ng akusado na pinasok lang umano siya ng tatlong pulis sa kanilang bahay at biglang inaresto. Patunay pa umano ang kanyang anak na batang babae na ginamit pa nito bilang depensa, subalit hindi nagkatugma ang pahayag ng mag-ama. Ayon sa testimonya ng anak nito ay kumakain umano ng lugaw sa labas ang kanyang tatay nang arestuhin ng mga pulis, kabaligtaran sa testimonya ng suspek na pinasok siya sa bahay ng mga pulis. (Edwin Balasa)