Isang mag-iina na binubuo ng tatlo katao ang panibagong biktima ng karumal-dumal na krimen makaraang igapos, busalan sa bibig at saka tinadtad ng saksak sa kanilang mga katawan ng hindi pa nakikilalang mga suspect na nanloob sa kanilang bahay sa Caloocan City.
Kinilala ni Supt. William S. Macavinta, hepe ng Caloocan City Police, ang minasaker na na mag-iina na sina Marife Ordonio, 36, ang dalawang anak nitong sina Mark John, 12; at Jovrie Ivan, 4, ng Block 11, Lot 13, Phase 2, Natividad Subdivision, Brgy. 168, Deparo ng nabanggit na lungsod.
Patuloy naman ang isinasagawang operasyon laban sa mga suspect.
Sa naantalang ulat, tinatayang naganap ang krimen sa pagitan ng alas-11 ng gabi noong Marso 30 hanggang Marso 31 ng umaga.
Nauna rito, sinabi ni Ramon Rodney Isaac, kapatid ng biktimang si Marife, bago niya nadiskubre ang bangkay ng kanyang kapatid at dalawang pamangkin ay tawag siya ng tawag sa talepono subalit wala ni isang sumasagot sa kanya kaya’t kaagad siyang nagtungo sa bahay nito.
Nagulantang ang lalaki sa kanyang nakita, dahil duguan at wala nang buhay ang mag-iina dahil sa tinamong mga saksak ng mga ito.
Mistulang baboy na ginapos ng cord ng charger ang mag-iina at binusalan ang mga bibig nito upang hindi makasigaw at hindi marinig ng mga kapitbahay ang karumal-dumal na pagpaslang sa mga ito.
Si Marife ay nakita sa loob ng kanyang silid tulugan na halos lumolobo ang buong katawan at ang magkapatid naman ay natagpuan sa kanilang silid kung saan ang nakababatang si Jovrie Ivan ay luwa ang bituka sanhi ng maraming tinamong saksak sa katawan.
Lumalabas pa sa pagsisiyasat ng pulisya na nawawala ang mga hindi pa mabatid na halaga ng mga alahas ng pamilya Ordonio at mga cellphone na pag-aari ng mga biktima. Sinasabing isang OFW ang mister ni Marife.