Pinasusulong na ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kasong droga sa Korte laban sa anak ni Manila Mayor Alfredo Lim.
Base sa limang pahinang resolution ni State Prosecutor Nolibien Quiambao, pinasasampa na nito sa Manila Regional Trial Court (RTC) ang kasong paglabag sa Sec.5 at 15 ng Art II ng RA 9165 o ang pagtutulak ng ipinagbabawal na gamot laban kay Manuel Lim, Joel Sabado at Ronald Pascua.
Sinabi ni Quiambao, may sapat na basehan upang isulong ang nasabing kaso sa hukuman at wala itong makitang kamalian sa isinagawang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ang grupo ni Lim ay naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng PDEA noong March 15, 2008 ng madaling-araw sa Binondo Maynila habang nagbebenta ng droga sa isa sa mga miyembro ng PDEA na umaabot sa 100 gramo ng shabu na may halagang P340 libong piso.
Binalewala naman ng prosekusyon ang naunang inihaing petisyon ng abogado ni Lim na si Atty. Mario Ongkiko na ibaba sa kasong drug user ang kasong drug pushing ng anak ng Alkalde. (Gemma Amargo-Garcia)