Agad na nasawi ang isang security guard matapos itong barilin sa lalamunan ng isang hindi nakikilalang salarin habang ang una ay naka-poste sa binabantayan nitong pagamutan, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Hindi na umabot pa ng buhay sa V. Luna Hospital sanhi ng tama ng bala mula sa hindi pa nababatid na kalibre ng baril ang biktimang si Marlon Rafales, 48, ng 2370 St. Mary Ann St., Admin Site, Brgy. Tala ng nabanggit na lungsod. Mabilis namang tumakas ang suspect matapos ang isinagawang krimen.
Batay sa ulat, dakong alas-8:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa North Caloocan Doctor’s Hospital na matatagpuan sa kahabaan ng Quirino Highway, Bankers Village, Caloocan City.
Nabatid na kasalukuyang naghahapunan sa guard post ng nasabing biktima nang biglang sumulpot ang suspect sa likurang bahagi nito na armado ng baril.
Sa malapitang distansiya ay walang sabi-sabing pinaputukan ng suspect ang biktima na tinamaan sa lalamunan nito at nang matiyak na patay na ito ay dali-daling tumakas ang suspek patungo sa Banker’s Village dala ang ginamit na armas.
Napag-alaman pa na hindi man lamang gumanti ng putok ang biktima at nagtatakbo ito patungo sa loob ng kanyang tinatanurang pagamutan upang isalba ang sariling buhay. Dahil sa malubhang kondisyon nito ay daglian itong inilipat sa V. Luna Hospital, subalit sa daan pa lamang ay binawian na ito ng buhay.
Patuloy namang nagsasagawa ng manhunt operation ang mga elemento ng Caloocan-PNP laban sa suspect upang papanagutin sa kanyang ginawang krimen. (Rose Tamayo-Tesoro)