“Maglubay na kayo, ganito ang sasapitin ninyo”, ito ang mga salitang nakasulat sa karton na nakatakip sa mukha ng isang lalaki na mistulang parang baboy na ginapos at sinalvage ng pinaniniwalaang grupo ng mga vigilante matapos matagpuan ang bangkay nito sa Caloocan City ka hapon ng madaling- araw.
Inilarawan lamang ng pulisya ang biktima na tinatayang nasa edad 30-35, may taas na 5’3’’, nakasuot ng pantalong maong at dilaw na t-shirt at may tattoo sa kanang binti.
Ayon sa ulat, dakong alas-4:30 ng madaling- araw nang matagpuan ang bangkay ng biktima na padapang nakahandusay sa kahabaan ng Calle Uno ng nabanggit na lungsod.
Napag-alaman na ang bangkay ng di-nakilalang biktima ay tinaling parang baboy ang magkabilang kamay, binigti ng electrical cord at may mga saksak sa iba’t ibang parte ng katawan.
Bukod dito ay binalutan pa ng mga hindi nakikilalang vigilante ang mukha ng biktima ng karton kung saan nakasulat ang mga kataga na nagbibigay babala sa mga taong may masasamang gawain. (Lordeth Bonilla)