Parak na ‘protector’ ng holdap, timbog
Natapos din ang maliligayang araw ng isang pulis-Camp Crame matapos itong ikanta ng isang nahuling holdaper na umano’y kanilang protektor at bagsakan ng mga naholdap na alahas at kagamitan, kahapon ng madaling-araw sa
Bumagsak sa kamay ng pulisya ang isa nilang ‘kabaro’ na nakatalaga sa Police Security Protection Office (PSPO) sa Camp Crame na si PO3 Laurio Walterio, 45, ng #569 E. Rodriguez St., matapos itong positibong ituro bilang protektor ng nadakip na holdaper.
Nagtangka pang maghugas-kamay at umiiyak na wala namang luha nang magtungo sa himpilan ng pulisya sa Pasay si Walterio at ibalik ang aniya’y cellphone na kanyang narekober sa nagkanulo sa kanyang si Ricardo Tayumi, 31, miyembro ng Batang City Jail (BCJ) gang at residente ng #551 E. Rodriguez St. na unang nadakip ng pulisya.
Ayon sa ulat, naghain na ng reklamo kamakalawa ng gabi si Michelle dela Cruz, 28, kawani ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ng 2401-B Belarmino St., Brgy Bangkal, Makati City matapos mabiktima ng panghoholdap sa loob ng sinakyan niyang pampasaherong bus sa kanto ng EDSA at E. Rodriguez Ext., dakong alas-7 ng gabi.
Nabatid na matapos ang nasabing insidente ay agad na nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya sa E. Rodriguez Ext. hanggang masita si Tayumi na umiihi sa pampublikong lugar dakong ala-1 ng madaling-araw at nang kapkapan ay nakuha ang nakasukbit na patalim.
Nang dalhin sa presinto, positibong kinilala ni dela Cruz si Tayumi na isa sa tatlong holdaper na nambiktima sa kanya at tumangay sa kanyang handbag na naglalaman ng tatlong cellphone, cash na P4,420, passport, ATM card, pocket size personal computer at iba pa.
Nang malaman ni Walterio na nadakip ang suspek, kaagad niyang dinala sa presinto ang aniya’y narekober na cellphone bilang depensa kung sakaling ituro siya ni Tayumi na nasa kanya ang mga gamit na nakulimbat kay dela Cruz.
Gayunman, lalo pang nabaon sa kaso si Walterio nang isauli ng isang barangay kagawad ang handbag ng biktima na umano’y ibinigay sa kanila ng naturang pulis matapos madakip si Tayumi. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending