Patay ang isang 25-anyos na contractor makaraang malapitan itong pagbabarilin ng hindi pa kilalang lalaki habang pauwi ng kanilang bahay kamakalawa ng gabi sa Pasig City.
Namatay noon din sanhi ng tinamong tatlong tama ng bala sa dibdib ang biktimang si Urjano Bingayan, ng Blk. 22 Kenneth Road, Nagpayong Brgy. Pinag buhatan ng lungsod na ito.
Mabilis namang tumakas ang hindi pa kilalang lalaki sakay ng isang motorsiklo na hinihinalang naghihintay sa kanya hindi kalayuan sa lugar ng insidente. Ayon kay Richard Gaerlan ng Pasig police, naganap ang insidente dakong alas-6:10 ng gabi sa kahabaan ng Blk. 19 ng nasabing lugar.
Nabatid na nagtungo ng tindahan ang biktima upang magpapalit ng barya ng bigla umanong lapitan ng suspek na armado ng baril at malapitan itong pinaputukan bago mabilis na tumakas.
Blangko naman ang pulisya sa motibo ng krimen at sa pagkakakilanlan sa salarin dahil hindi sila makakuha ng maayos na impormasyon sa ilang taong nakasaksi sa insidente.
“Ayaw magbigay ng statement ng mga nakakita ng pagpatay natatakot daw silang baka mabalikan ng suspek,” pahayag ni Gaerlan.
Sa ngayon ay patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya para sa posibleng pagkalutas ng kaso. (Edwin Balasa)