Pinayuhan kahapon ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga transport groups na makiusap na lamang sa apat na Metro Mayors na tumututol sa implementasyon ng single ticketing system.
Ipinaliwanag ni Undersecretary for Public Safety Atty. Marius Corpus na hindi maaaring saklawan ng Executive Order 712 ni Pangulong Arroyo ang awtonomiya ng mga alkalde.
“Ang silbi lang niyang executive order na iyan ay para sa national policy para sa single ticketing system, kapag hindi sumunod ang mga mayor ay sa korte na babagsak iyang isyu na iyan,” ayon kay Corpus.
Idinagdag pa nito na hindi naman talaga kailangan ng executive order, magbibigay lang umano ito ng “false hopes” sa mga transport groups.
Sinabi rin nito na ang posisyon ng DILG ay hindi naman kailangan ang Malacañang ang mag-isyu ng executiver order na maaari namang gawin na ng Department of Transportation and Communications (DOTC) habang may mga probisyon rin ang local government code at ang Metropolitan Manila Development Authority charter para magpalabas nito.
Nakatakda namang makipag-usap ang DILG sa pangunguna ni Undersecretary for Local Government Austere Panadero sa mga Metro Mayors partikular na ang mga kumokontrang sina Makati Mayor Jejomar Binay, Navotas Mayor Toby Tiangco, San Juan Mayor Joseph Victor Ejercito at Pasay City Mayor Pewee Trinidad upang mapakiusapan na gumawa ng solusyon sa krisis.
Kung magkakaproblema naman umano sa labis na paniningil ng mga kumokontrang Metro Mayor, bahala na umano ang mga transport groups na magsampa ng kaso sa korte upang siyang rumesolba dito. (Danilo Garcia)