Milyong halaga ng ari-arian ang naabo kung saan dalawa-katao ang malubhang nasugatan sa naganap na magkahiwalay na sunog sa Parañaque at Makati City noong Semana Santa.
Batay sa ulat, nagsimulang kumalat ang apoy sa pabrika ng papel sa Sta. Ana Drive, Sun Valley Village sa Parañaque City.
May teorya ang pulisya na may nagtapon ng upos ng sigarilyong may sindi sa ilang bahagi ng mga papel na nakabungkos kaya lumikha ng apoy.
Kaagad namang naapula ang apoy ng mga tauhan ng pamatay-sunog makalipas ang ilang oras.
Kasunod nito, malaking bilang naman ng pamilya ang nawalan ng tahanan makaraang masunog ang isang residential area sa La Paz Village may ilang metro ang layo sa Makati Coliseum noong Huwebes Santo sa Makati City.
Ayon sa ulat, ilan sa mga nasunog na kabahayan ay naiwanang walang tao kung saan karamihan sa mga ito ay umuwi ng probinsiya.
Kinilala naman ang dalawang nasugatang sina Allan Robles at isang alyas Dante.
Hanggang sa kasalukuyan ay iniimbistigahan pa ng mga awtoridad ang pinagmulan ng apoy. (Rose Tamayo-Tesoro)