Isang 23-anyos na sales agent ang pinagtulungang saksakin hanggang sa mapatay ng isang grupo ng magkakamag-anak sa naganap na karahasan sa bilyaran sa Baesa, Caloocan City kamakalawa.
Burdado ng saksak ng patalim ang biktimang si Ernie Tudlasan ng #368 Rose Street, Reparo ng nabanggit na lugar.
Tinutugis ng pulisya ang mga suspek na sina Jimmy Boy Rosas, Jimmy Rosas at ang pinsang si Raymond Rosas na pawang naninirahan sa Jasmin Street ng nasabing lugar.
Sa ulat ni PO2 Felipe Woo, naganap ang krimen bandang alas-6 ng gabi sa loob ng bilyaran kung saan natalo ng biktima ang isa sa suspek na pinaniniwalaang malaking halaga ang naging pustahan.
Napag-alamang tinalo sa bilyar ng biktima ang suspek na si Jimmy Boy kung saan nagalit naman ang ibang suspek dahil hindi nila mababawi ang pustahan.
Dahil dito, pinagtulungang pagsasaksakin ng mga suspek ang biktimang napatay naman.