Dalawang daan (200 ) sundalo at mga K-9 dogs ang ipinakalat ng AFP-National Capital Region Command (AFP-NCRCOM) sa Metro Manila upang tumulong sa puwersa ng pulisya sa pagbabantay at pagbibigay seguridad sa publiko ngayong Semana Santa.
Ayon kay AFP-NCRCOM Chief Major Gen. Fernando Mesa, minobilisa niya ang kanilang hanay para makipagtulungan sa National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa maayos na pagbibigay proteksiyon sa mamamayan. Kabilang sa mahigpit na binabantayan ay ang mga terminal ng bus, pantalan, paliparan, simbahan na dinaragsa ng mga tao sa paggunita sa panahon ng kuwaresma.
Aniya, ang 200 sundalo mula sa NCRCOM ang ikakalat sa iba’t ibang bus terminals na may mga dalang K9 dogs sa Northern at Southern Luzon Expressway at iba pang mataong lugar upang matiyak na hindi makakalusot ang mga terorista.
Sa kasalukuyan, ayon sa opisyal ay wala silang namomonitor na banta ng terorismo sa paggunita sa Mahal na Araw. Mananatili rin aniya sa heightened alert ang kanilang hanay upang matiyak na may nakahanda silang puwersa sa sandaling kailanganin ng tulong ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Samantala, pinaigting kahapon ang seguridad sa lahat ng vital installations sa Makati City na itinuturing na financial district ng bansa partikular na ang lahat ng naglalakihang embahada rito, istasyon ng Metro at Light Rail Transits at ng 17 bus terminals ng southern part ng Metro Manila.
Kaugnay nito, mismong si Southern Police District (SPD) dir. P/Chief Supt. Luizo Ticman ang nanguna sa pagsagawa ng ocular inspection sa lahat ng vital installations sa Makati City pati na sa mga istasyon ng MRT, LRT at 17 bus terminals sa kinasasakupan nito.
Sa panayam kay Ticman, sinabi nito na nais lamang umanong matiyak ng pulisya ang seguridad ng mga pampublikong lugar partikular na sa mga naglalakihang embahada sa Makati City laban sa terorismo sa bansa. (Joy Cantos at Rose Tamayo-Tesoro)