Nakaalerto na ngayon ang Bureau of Fire Pro-tection (BFP) sa isla ng Boracay sa posibilidad ng sunog ngunit tiniyak sa mga bakasyunista na nakahanda sila sa anu mang uri ng “emergency”.
Sinabi ni BFP Region VI Sr. Supt. Aloveel Ferrer na ipinag-utos na niya sa kanyang mga tauhan ang mahigpit na inspeksyon sa lahat ng establisimiyento sa isla partikular na ang malapit sa beach bago sumapit ang Mahal na Araw.
Nabatid na mula noong 2007, triple ang bilang ngayon ng mga “commercial shops,” resorts at mga hotel sa isla kaya mas mala ki ang posibilidad ng sunog.
Matatandaan na isang sunog ang sumiklab sa isla noong taong 2006 na naging kontrobersyal dahil sa nataon ito sa Mahal na Araw at dagsa ang mga local at dayuhang turista.
Kung sakali na magka roon muli ng sunog, nanawagan si Ferrer sa mga bakasyunista na huwag mag-panic. Tiniyak nito na handa ang kanilang mga pamatay-sunog kung saan meron na sila ngayon na “dry stand pipe” na nakakonekta sa dagat kaya hindi sila mauubusan ng suplay sa tubig.
Maayos naman umano ang koordinasyon at pakikipagtulungan ng Association of Commercial Owners sa isla ng Boracay sa BFP sa pamamagitan ng pagbabantay sa kanilang mga miyembro na lumalabag sa Fire Code of the Philippines. (Danilo Garcia)