Pinag-aaralan ng pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) kung maaari nilang makasuhan ang apat na mayor ng Metro Manila na ayaw tumupad sa utos ng Malakanyang kaugnay ng single ticketing system.
Sa isang press briefing, sinabi ni Atty Jimmy Pesigan, LTO Executive Director, pinag-aaralan ng ahensiya kung maaaring sampahan ng kasong administratibo ng LTO sa Department of Interior and Local Govt. (DILG) ang apat na alkalde sa kalakhang Maynila na ayaw sa single ticketing system. Ito ay sina Makati Mayor Jejomar Binay, Pasay Mayor Peewee Trinidad, San Juan Mayor JV Ejercito at Navotas Mayor Tobias Tiangco.
Ayon kay Pesigan, tanging ang DILG lamang ang maaaring magsuspinde sa naturang mga mayors hinggil sa hindi pagsunod sa EO 712 o single ticketing system na pinalabas ni Pangulong Gloria Arroyo kamakailan,
Nag-utos si PGMA ng naturang executive order makaraang magsagawa ng tigil-pasada ang malalaking grupo ng transportasyon na nagrereklamo sa unified ticketing system o sobrang daming nag- iisyu ng panikit sa mga motorista tulad ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila.
Nais ng transport sector na LTO at MMDA na lamang ang mag-isyu ng panikit sa mga pasaway na motorista upang hindi magulo at mababang halaga lamang ang penalties. Sa ngayon, mas mataas pa ang violation fee na sinisingil ng mga lokal na pamahalaan sa mga mahuhuling motorista kaysa sa LTO. (Angie dela Cruz)