Smuggling ugat ng ‘food shortages’ - AGAP
Ibinunyag kahapon ni Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Partylist Representative Nicanor Briones na ang malaganap na smuggling ng produktong pang-agrikultura ay siyang ugat ng nararanasan ngayong ‘food shortages’ sa bansa.
Ayon kay Briones, umaabot sa P100-bilyong kada taon ang nawawala sa kaban ng bansa dahil na rin sa hindi matigil na ‘technical smuggling’ ng ibat-ibang uri ng produkto.
Aniya, sa ngayon ay patuloy ang pagtaas ng presyo ng bigas at karne ng baboy sa merkado dahil na rin sa kawalang malasakit ng ilang opisyal ng gobyerno na sugpuin ang nagaganap na ‘technical smuggling’ ng produktong pang-agrikultura.
Sinabi pa ni Rep. Briones na lalo pang iigting at lalala ang nararanasang ‘food shortages’ sa bansa kung wala pa ring aksiyon na gagawin ngayon ang gobyerno hinggil sa suliraning ito.
Mapanganib din aniya sa kalusugan ng mga mamamayan ang mga smuggled na produkto na posibleng may dalang sakit tulad ng bird flu, Swine Influenza, Foot and Mouth Disease, Mad Cow Disease at iba pang karandaman.
Umapila si Rep. Briones sa Pangulong Arroyo na gawing ‘urgent at priority bill’ ang panukalang batas na kanyang inihain na House Bill 3110 o ‘Tariff and Customs Enforcement Act of 2007’ at House Bill No.15 ni Rep. Lorenzo Tanada na ‘Anti-Smuggling Bill of 2007’ na ngayon ay nakabinbin sa Committe on Ways and Means.
Ani Briones, dapat bigyan ng malaking budget allocation ang Department of Agriculture (DA) para matulungan sa ibat-ibang uri ng pangangailangan pang-agraryo ang may kabuuang 13.8 milyong magsasaka sa bansa.
Sa ngayon, ani Briones ay mas malaki pa ang budget ng DILG at Defense kaysa budget ng DA na P24-bilyon lamang. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending