Binalot ng matinding sindak ang mga pasaherong mag-uuwian sa kani-kanilang probinsiya upang gunitain ang Mahal na Araw matapos mahukay at matagpuan ang tatlong malalaking vintage bomb ng ilang obrero sa isang construction site ng isang bus terminal sa Caloocan City kahapon ng umaga.
Ang mga nakuhang vintage bomb na may bigat na 1,000 pounds bawat isa ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng SWAT- Explosives and Ordnance Division (EOD) ng Caloocan City, kung saan posibleng ginamit ito noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ayon sa report , dakong alas-9 ng umaga nang mahukay ng mga construction worker ang mga vintage drop bomb sa loob ng Victory Liner Compound na nasa Barangay 80, District 2 ng nabanggit na lungsod.
Ayon pa sa mga awtoridad, abala ang mga construction worker sa paghuhukay sa naturang lugar, nang bigla na lamang makarinig ang mga ito ng malakas na kalansing.
Unang inakala ng mga ito na baul ng kayamanan ang kanilang nahukay, kung kaya’t dahan-dahan at maingat nila itong inalis sa pagkakabaon. Laking gulat ng mga ito nang tumambad ang tatlong naglalakihang vintage bomb, na ayon pa sa mga awtoridad, kung tawagin ito noong World War 2 ay drop bomb na kayang magpasabog ng isang buong lungsod.
Ayon sa pulisya, mabuti na lamang aniya at mahina lamang ang pagkakapukpok dito, dahil kung napalakas aniya ay maaari itong sumabog, na kikitil ng maraming buhay lalo pa nga’t malapit ito sa isang bus terminal. (Lordeth Bonilla)