DILG , CA binulabog ng bomb threat

Binulabog  ng isang text message na nagsasaad na may bombang sasabog sa gusali ng Department of Interior and Local Govern­ment (DILG) kahapon ng umaga. 

Sa ulat ng Quezon City Police District-Explosive and Ordnance Division, da­kong alas-9:30 ng umaga nang makatanggap ng text messages sa hindi nag­paki­lalang caller ang isang empleyado na nagpatago sa pangalang Janet.

Nagbuhat umano ang mensahe sa numerong: 0929-6580639 kung saan sinasabi nito na may naka­tanim na bomba na ma­aaring sumabog sa ika-7, ika-8 at ika-10 palapag ng Francisco Gold II Condo­minium sa panulukan ng EDSA at Mapagmahal Street, Quezon City.

Nakatanggap rin uma­no ng katulad ng text message ang isang tauhan ni Undersecretary for Peace and Order and Transnational Crimes Mel­chor Rosales sa ika-10 palapag. Naririto rin ang opisina nina Undersec­re­tary for Public Safety Atty. Marius Corpus.

Agad namang hinalug­hog ng Bomb Squad Unit ng QCPD ang buong gusali ng DILG ngunit makalipas ang isang oras ay nag-negatibo sa anumang uri ng bomba. Sa imbesti­gas­yon nito, una nang na­ka­tanggap ng bomb threat  ang DILG nitong nakara­ang linggo ngunit nag-negatibo rin.

Kasalukuyan namang tini-trace na ng QCPD at DILG sa tulong ng National Telecommunications Com­mis­sion ang naturang nu­mero upang makilala ang mga taong nasa likod ng naturang pananakot.

Samantala, nagulan­tang din ang mga emple­yado ng Court of Appeals (CA) ma­tapos na maka­tang­gap din ang tangga­pan ng bomb threat ka­hapon.

Ayon sa ulat, isang hindi nagpakilalang caller ang tumawag dakong alas 8:00 ng umaga sa Office of the Secretary at sinabing may sasabog na bomba anumang oras.

Bunsod nito’y mabilis umano na nagsilabas ang mga empleyado ng CA mula sa gusali nito  at agad na tumawag ng tulong  sa pulisya. Agad naman na ininspeksiyon ng mga mi­yembro ng EOD ang buong bisinidad at gusali ng CA ngunit negatibo naman ito sa anumang uri ng bomba. (Danilo Garcia at Grace dela Cruz)

Show comments