Inaasahan ng Philippine National Police (PNP) na ma uulit muli ang “zero crime rate” sa bansa sa muling pagtutuos nina Manny Pacquiao at Juan Manuel Marquez sa kanilang laban sa Mandalay Bay, Las Vegas sa Sabado ng gabi (Linggo ng umaga sa Maynila).
“Just like in the past fights of Manny Pacquiao, we expect again a tremendous decrease in the crime volume this Sunday, or even to the extent of anticipating a zero-crime rate during the period of the fight,” sabi ni PNP spokesman Sr. Supt. Nicanor Bartolome sa press briefing sa Camp Crame.
Ayon kay Bartolome, tulad ng mga nakaraang laban ni Pacman ay inaasahan nilang sabay-sabay na tututukan ito ng lahat na Filipino.
Sa kabila nito, sinabi ng PNP na hindi rin naman magpapabaya ang pulisya sa pagbabantay laban sa mga elementong kriminal na posibleng magsamantala sa sitwasyon.
Muling maghaharap sina Pacquiao at Marquez para tuldukan na ang ‘unfinished business’ matapos mag-draw sa laban nila noong 2004.
Magugunita na sa tatlong nakalipas na laban ni Pacman kabilang ang kay Erik “El Terrible” Morales noong Nob. 18, 2006, kay Jorge Solis noong Abril 14, 2007 at kay Marco Antonio Barrera noong Oktubre 6, 2007 ay nakapagtala ng zero crime ang pulisya sa Pilipinas.